Home Entertainment Matt Evans, ‘di nakilala ang ama; naranasang magbenta ng siomai at siopao

Matt Evans, ‘di nakilala ang ama; naranasang magbenta ng siomai at siopao

SHARE

Bago naging sikat na artista, inilahad ni Matt Evans sa programang “Tunay na Buhay” ang simple niyang pamumuhay noon kung saan naranasan pa niyang magbenta ng siomai at siopao.

Sa panayam ng host na si Rhea Santos, napag-alaman na panganay sa tatlong magkakapatid si Matt na isinilang noong Oktubre 22, 1986. American pilot ng U.S. Air Force ang kaniyang ama, at nakilala nito sa Japan ang kaniyang ina na Pinay.

Hindi na raw nakilala ni Matt ang kaniyang ama nang alisin ang base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas. Hindi na nakabalik ang ama ni Matt at hindi rin daw naging maayos ang komunikasyon noon ng kaniyang mga magulang.

Muling umibig ang kaniyang ina, at ang naturang lalaki na ang kinilala niyang ama, at nagkaroon siya ng dalawang kapatid.

Gaya ng kaniyang ama, ang maging piloto raw ang pangarap ni Matt. Ngunit dahil artistahin sa murang edad, naging extra si Matt sa telebisyon.

Bagama’t hindi pinangarap ni Matt ang pagiging artista, nag-guest naman siya sa mga fantasy show.

Nang huminto ang kaniyang ina sa pagtatrabaho sa Japan, naranasan ni Matt na magtinda ng siopao, siomai at embutido noong high school para makatulong sa pamilya.

Naging propsman din siya matapos ang high school.

At kahit marami na ring ginampanang karakter bilang artista, wala pa rin daw tatalo sa role ng pagiging tatay at asawa sa tunay na buhay.

Kuwento ng asawa niyang si Katrina, nagsimula raw ang pagkakaibigan nila ni Matt nang mag-message ang aktor sa Instagram sa kaniyang kaarawan.

Ayon kay Matt, si Katrina ang sumagip sa kaniya noong mga oras na nawawalan siya ng pag-asa.

Kasama ang kanilang mga anak na sina Marley at Madi, naninirahan ngayon ang kanilang pamilya sa isang maluwag at maaliwalas na condominium unit.

Panoorin ang kuwento ng buhay ni Matt sa programang “Tunay Na Buhay:”

Facebook Comments
SHARE